College (12.05.2007)
"Napurnada na naman ang pangarap kong mag-college,"
Yan ang narinig kong linya minsan pagsakay ko sa jeep papasok ng trabaho. Dalawang malamang ay kaedad o kaya ay mas matanda lang sa akin ng kaunti (yung nagsabi kasi ng nasa taas ay nagbanggit na ang kapatid nya sa kursong Computer Engineering ay nag-O-OJT na, kasabay ng kapatid ko). Pareho silang nakauniporme na kulay ube, tanda na doon sila nagtatrabaho sa isa sa mga factory sa hilera ng Aguinaldo Highway.
Bigla akong nalungkot sa narinig at biglang naikumpara sa sarili. Heto ako at nagtatrabaho sa isang kumpanya na naayon sa natapos ko at heto sya sa aking harap na ni hindi man lang ata nakatuntong ng kolehiyo. Malamang ay panganay pa sya katulad ko pero ang pinagkaiba namin ay sya, nagbigay daan sa pag-aaral ng nakababatang kapatid habang kaming tatlo ginapang sa pag-aaral ng aming mga magulang. Naisip ko tuloy, pagkatapos ng kontrata ko rito sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko, bukod sa biglang taas na ng expected rate ko ay maari pa kong makapag-abroad na hindi construction worker o DH ang labas ko. E paano sya? Pa-renew renew sa sariling bansa bilang factory worker?
Sa totoo lang, dalawa lang naman ang dahilan bakit maraming gustong mag-college dito sa Pinas. Yan ay ang makahanap ng trabaho at maiahon ang pamilya, at ang isa, pampataas ng halaga sa sarili.
Oo. pampataas ng halaga sa sarili. Gusto mong maiangat ang iyong sarili sa sandamakmak na highschool graduates na katulad mo. O mas higit pa sa mga di man lang umabot ng Grade Six.
Hindi ko alam kung anong pakiramdam ng naiwan sa pag-aaral. Naiwanan sa mga usong gamit, oo, maraming beses, pero hindi kami nakaranas ng mga kapatid ko na lumiban ng isang taon sa pag-aaral. Ni hindi nga kami nakaranas maga-aral sa public school sa buong buhay namin. Akala ko lahat ng bata katulad ko ng sitwasyon. Nalaman ko lang na malaking bagay iyon ng minsang nagkwentuhan kami ng mga kaibigan kung saan kami nag-elementary. Ako pa ang nahiya ng magkaalaman na ako lang ang hindi nasayaran ng ambiance ng isang public elementary school. Na para bang kasalanan ko pa at ang dalawang panahon lang na nakatungtong ako sa ganoong lugar (ever) ay nang mag-NSAT kami noong Grade Six sa isang elementary school sa may sa min at ang pagkuha ko ng entrance exam sa Pamantasan ng Maynila.
Sa kolehiyo mas malala ang walaan ng estudyante. Asa ka pa na kung nagsimula kayo sa 40 ay buo kayong makakatanggap ng diploma ng walang namamatay dahil sa frat, maagang nag-aasawa o nabubuntis, ang paminsan-minsang suicide sa isang milyong dahilan, pag-da-drop ng subjects hanggang sa mauwi sa tuluyang pag-alis sa paaralan, di na maaring makapagaral dahil sa financial problems, at ang minsang pumapalya na mag-wo-working student raw pero mauuwi sa tuluyang pag-abandona sa pag-aaral at kung anu-ano pa.
Noong college, nagkaron ako ng mga kaklase na hindi na talaga kailangan mag-aral ULI dahil nakatapos na naman sila ng kolehiyo sa ibang kurso. Meron din namang marami ang bumabalik sa eskwelahan dahil gusto nilang magkaron ng diploma. Yan ang case ng kaklase ko sa NSTP na freelance web designer. Kahit kumikita na ng malaki ( o sa madaling sabi, limpak limpak), gusto nya pa rin ang magkaroon ng diploma kahit pa ulitin nya lahat ng subjects (oo, kahit na Math!) na hindi sa kanya naicredit. Katwiran nila, iba talaga ang may natapos.
Mas mataas na posisyon ang dapat sana mapunta sa ama ng isa sa aking mga kaibigan. Ilang taon na rin kasi sya sa serbisyo pero isa lang ang pumipigil sa departamento na bigyan sya ng promotion. Ang kawalan ng diploma. Hindi sya maiconsider dahil LANG doon. Napakalaking LANG. Katulad rin ni papa na hindi umuusad sa posisyon. Paano ilang units na lang kinatamaran pa tapusin.
Ngayon di ko alam kung anong klaseng ngiwi ang aking gagawin tuwing nakakakita ako ng job openings. Paano banaman ay napakademanding ng mga kumpanya ngayon. Andyan yung gusto nila ng BS Graduate with very good scholastic records (so mangisay ka na lang dyan kung nagkaron ka ng bagsak sa Art Appreciation mo kasi nga naman makakatulong yon sa pagtatrabaho mo sa kanila; at take note, minsan EXCELLENT ang hinahanap nila), yung tipong gusto nila LAHAT alam mo (kunwari gusto mo mag-WEB design, kailangan, PROFICIENT ka na AGAD sa lahat ng scripting languages possible, na yung iba ni hindi nyo tinake-up noong college), at syempre ang kalokohang N years of experience na babanatan naman nila sa pinakaibabang qualification na 'Fresh graduates are welcome to apply'. Ewan ko sa inyo huh, pero don lagi nakatuon yung mga mata ko. Don sa part na me experience na. Nakakainis kasi unfair sa di naman nag-work noong college nila. Na malay ba nila yon. Isa pa don yung mga alam mo. Kalokohang isipin na lahat ng graduates ay na-take-up lahat ng ma-eexperience nila sa paaralan lalo na ang mga bagay na di naman kasama sa curriculum. Minsan naman, kasali nga, pero asa ka naman sa ituturo at malalaman mo. Kami nga eh, nagtake kami ng RDBMS noong college pero tignan mo naman. Chicken feed ang isang sem (3 months) naming pag-ke-query sa natutunan ko dito sa trabaho at sa training.
O sige, andoon na tayo sa dapat nga pinagbuti mo noong estudyante ka pa. Pero kahit sino magdadalawang isip sa pagbasa ng job opening na hard to reach. Na para bang nawalan ka agad ng karapatan (lalo na sa part na kung may nabagsak kang subject) na magtrabaho. Na dahil sa mga pagkakamali mo noong college, nahusgahan ka na nila sa kakayanan mo magtrabaho. E kung tutuusin yung iba naman dyan, front lang at OA naman ang ibang requirement. Merong job na ang kailangan ay College Graduate at mahilig raw magbasa ng books. Book Associate daw. Uy, ang ganda ng job title. Pagpunta namin don, magbebenta ka lang ng libro sa isang bookstore. Ayos ah. E kung tutuusin kahit hindi highschool graduate e pasok ron. Ituturo mo lang naman kung saan ang stalls o kaya naman aayusin mo yung mga libro. AT syempre, kung mahilig ka naman magbasa, parusa ang maghapon kang nakatayo at nag-aayos ng mga libro na hindi mo naman maaring basahin. Para mo na lang tinakam ang sarili mo sa mga bagong labas na libro na hindi naman mapapasayo hanggat hindi mo binibili.
Nainis ako ng malaman ko na ganoon pala ang gagawin. Insulto iyon sa akin kasi tambayan ko yon tapos pagbebentahin nya ko sa lugar na iyon?! At isa pa, aba! Graduate ako ano! Bakit ako magbebenta? Mayabang na kung mayabang pero hindi worth it ang ganoong trabaho sa akin. Siguro part time o kaya summer job pwede pa. Hindi ako dapat pumayag na doon ang bagsak ko pagkatapos ko mag-aral ng apat na taon. Lalo pa akong nairita ng pinipillit ako nung ahente. Kung pwede ko lang syang sagutin gusto ko sabihin, pwede ba?
Minsan kasi yang mga interviewer na yan, lalo na pag-agency kahit alam nilang overqualified na ang COLLEGE GRADUATE, pinipilit pa rin nila sa trabaho na hindi sa kanila dapat. Tignan mo naman ang mga janitor sa isang kumpanya ng processors dito sa bansa, mga graduates ng CS, IT, Engineering, Nursing, Accounting atbp. Nakakahiya, nakakainis, nakakababa ng pagkatao. Na pagkatapos mong paghirapan ang apat na taon, maglilinis ka lang ng banyo. (NOTE: Hindi ko po minamaliit ang trabaho ng janitor, driver, tagabenta ng kahit ano, ahente, construction worker, DH, factory worker, promo girl, mascot at kung anu-ano pang mangagagawa na hindi nakaharap sa pc at may sariling pwesto sa opisina. Kung tutuusin nga ay dating driver si papa ng ambulansya at balak naman ni mama mag-DH. Ang pinupunto ko po ay ang mga bagong graduate na nangagarap magtrabaho sa posisyong gusto nila ngunit hindi nila makuha dahil sa mga gusto ng mga kumpanya na matataas na requirement. AT syempre, kesa nga naman sa matengga at kailangan pang tumulong sa magulang, mapipilitan kang kunin ang mga trabaho na nabanggit ko sa taas. Ang mali nga lang ay minsan, mahirap nang makaalis once na nalinya ka na sa trabahong iyon. Muli, huhusgahan ka na nila agad, at mahihirapan ka nang makaahon sa kung ano mang sinimulan mo.)
Kung 2nd Year ang inabot mo sa college, maari ka nang magtrabaho. Yan ang bagong pauso ng (ilang) mga contact centers (tigilan nyo na ang pagtawag sa kanila ng call center, utang na loob) na nagusbungang parang kabute sa ating bansa. Hulog iyon ng langit sa mga working students na bukod sa pinag-aaral na ang sarili ay kailangan pang-magbudget sa pag-aaral ng mga kapatid hanggang sa mga pinsan, pamangkin hanggang 5th consanguinity. Syempre, sa kanya rin nakaatang ang house bills: kuryente, pagkain, tubig, telepono, cable (?!) atbp. Maganda nga iyon. Sa iyo na nga naka-asa ang lahat, kailangan mo pang panatilihin ang sarili mo na hindi i-give-up ang sariling pag-aaral na sa kalaunan ay maiisip mong gastos sa lumalaking pamilya ng mga kapatid at pinsan na pinag-aaral mo.
Ganyan ang nangyari sa nakilala kong lalaki, minsan sa isa kong pag-aapply. Agency iyon ng contact center kung saan isinama ako ng isang kaibigan. Kasagsagan iyon ng wala naman talaga akong dahilan para maghanap ng trabaho. Kumbaga pampalipas oras ko ito hanggat hindi pa naman ako legal na graduate (bale 3 buwan mahigit ang aantayin ko noon bago makatuntong sa PICC). Dito ako nanlumo na bakit ba ganon ang ginagawa ko.
Batch interview ang nangyari. Hindi naman namin sya kasabay ngunit nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap sya noong solo talk na ang ginagawa sa mga aplikante kung saan sinasabi na ang padadalhan sa iyong kumpanya. Nang mga panahong iyon ay nasa labas ako at nag-aantay tawagin habang yung kaibigan ko naman ang kinakausap sa loob.
Kwento nya, susubukan raw nyang makapasok sa mas magandang contact center dahil wala naman syang ibang choice bilang undergrad. Galing kasi sya sa isang banko na may service center at isa sya sa tumatawag para mag-alok ng credit card. Mababa raw ang sweldo nya doon at hindi na talaga sapat. Ang masama pa nito, hindi pa sila pinakikisamahan ng maganda ng supervisor nila. Tipong 'bahala ka sa buhay mo kung wala kang alam, basta ako binabayaran, at ikaw, agent lang'. Pareho sila ng pinsan nya (nagtatrabaho naman ito sa factory, 2k ata kada buwan) na kumakayod ngunit hindi rin nakapagtapos.
Ang galing noh? Maaga pa lang, iniisip na nila ang kinabukasan ng mga pamangkin nila. Oo ng mga pamangkin nila. Iniwan raw kasi ang mga ito ng kanilang mga magulang. Nakakabuwisit pero totoo. Nag-anak ng marami ang mga kapatid at pinsan nila at pagkatapos i-papatong ang sarili nilang responsibilidad sa dalawang batang ito na dapat sana ay nakatapos ng kolehiyo at makakakuha ng posisyon na hindi palipat lipat ng contact center. Bale, wala na ngang trabaho ang iba nilang kamag-anak, nagdaragdag pa ng palamunin. Eksakto pag-alis namin, pinapasok na siya sampu ng mga ka-batch nya na papasok sa interview roon. Naisip ko tuloy, ano na kaya ang nangyari sa kanilang dakilang magpinsan? Nagaaral kaya uli sila? Nakakuha kaya sila ng mas magandang trabaho? Napansin kaya ng mga kamag-anak nila ang sakripisyon nila? Sana.
Kinagabihan, umuwi ako ng pagod at nagiisip kung paano ko ba masusolusyunan ang pinapagawa sa akin. Sa harap ako noon , sa tabi ng driver ng jeep ng isa uling empleyado ng nasabing factory ang tumabi sa akin na mukha na ring pauwi.
Sa loob loob ko, ayoko talaga ng may katabi pag andito ako sa may harapan. Nang ako ay makapagpara na, natural lang na bumaba muna ang tumabi sa kin para makaalis ako. Napatingin ako sa sapatos nya na may drawing. Pamilyar ah. Huli na nang maalala ko. Sya rin yon.
Update: (03.24.2013 Pictures were added to this really old article)
Comments
Post a Comment