My Last Will and Testament (3.18.10)


I could not believe I have this on drafts. I'm older now and I find this so juvenile of me. It really doesn't matter if everyone of you reads it (oh Ed will you understand this? It's 98% in Filipino) because I wrote this back in 2006.

Take note, I forgot who I was referring to this line: 'Kung naging crush mo rin pala ako sa parehong panahon na nagkagusto ako sa iyo ay malas na lang natin. Kaw kasi ang bagal mo.'. But as I was reading the entire thing, well it's not bad. I never thought I can be a deep person sometimes, let alone when this was years ago. I wonder what got into me.

Enough of the disclaimers. Here it is in full text:
 
++++++++++++++++
 

Revision: August 31, 2006, 1:16 pm
Ang Aking Habilin at Testamento
 
 Kamusta? Nagulat ka ba? Oo. Naghanda ako ng huli kong habilin. Gusto ko sana na sa Ingles isulat ito ngunit gusto ko sana na sa huling pagkakataon ay makapagsulat ako sa wikang ito.
 
-Habilin-
 
 Una sa lahat ay gusto kong pag-usapan ang aking lamay. Hindi ako masyadong pamilyar sa mga termino at mga ritwal kaya ang maari ko lamang banggitin ay ang mga bagay na alam ko ay kabilang rito katulad ng mga araw. Kung maari sana ay paabutin nyo ito ng tatlong araw, at sa ikaapat araw na ang huling misa. Ngunit kung matatamaan ang araw ng linggo ay ipagpaliban nyo na ang una kong sinabi. Basta hangga't  maari ay gusto ko sana na ilibing ng linggo, ang araw ng Kanyang pahinga at ganoon din naman sa karamihan.
 
 Gusto ko na ang aking lamay ay maganap sa aking tahanan sa Kabite, kung saan ako lumaki at nanirahan ng ilang taon. Ngunit kung dumating ang panahon na nagkaroon din ako ng sarili kong bahay ay doon na lamang siguro.
 
 Gumamit kayo ng mga makakapal na tela na puti at kayumanggi sa kurtina. Lagyan nyo rin ng tali ang mga kandila ng ganoon ding kulay. Ang gusto ko rin sa aking kabaong ay matamlay na ginto o kaya naman ay ang kulay ng kahoy. Kung maari nga ay huwag kayong gumamit ng mga anghel o imahe ni Kristo sa kahit anong gamit panglamay. Ayoko nito. Namatay akong hindi naniniwala sa mga imahe at simbolo at ililibing akong wala nito.
 
 Gumamit rin kayo ng puting mga laso para sa mga pangalan ng mga mahal ko sa buhay. Ihinahabilin ko na sana ay hindi lang basta ang aking mga kamag-anak ang nakadikit rito kung hindi pati na rin ang aking mga malalapit na kaibigan na nakasama ko na ng ilang taon.
 
 Sa akin namang suot ay gusto ko sana ng puti. Iyong makalumang kasuotan. Huwag nyo rin akong dadamitan ng kahit anong palamuti. Ang aking buhok ay hayaan lang na nakalugay sa aking gilid na para ba kong natutulog lamang. Suotan nyo rin ako ng puting medyas.
 
 Sa mga araw ng aking lamay ay maari sanang huwag kayong maingay. Tanging ang tugtog ng biyolin ang sana ay nangingibabaw (kahit walang tumutugtog. Ang tunog na galling sa cd o kahit anong uri ng media ay maari na). Iwasan nyo rin po ang pagsusugal at pag-iinom. Kung maari sana ay magnilay po kayong lahat, mag-usap at magkakilala. Gusto kong damayan ninyo ang isa't isa at manatiling magkabuklod kahit ako ay wala na.
 
 Bago ko pa makalimutan ay gusto ko sanang i-donate ang kahit anong "internal organ" sa aking katawan. Ibigay nyo po ang aking mga mata sa isang bata na gustong magbasa. Ibigay nyo rin po ang aking puso sa taong maiiwan ang kanyang minamahal. At kung sa panahong ito ay maari nang pakinabangan ang aking utak ay maari po lamang na ibigay ninyo ito sa isang manunulat o di kaya ay isang artisan. Hindi po ganoon kahalaga ang mga ito ngunit sa mga taong nabanggit ko sa itaas ay alam kong mas mapapaunlad nila ang mga nasabing organ kaysa sa hayaang mabulok at maging abo sa lupa.
 
 Sa aking libing naman. Kagustuhan ko man na sa tabi ng aking ate ang aking libingan ay hindi ito maari sa kadahilanang mas marami akong panahong pinalipas dito sa bayan ng Kabite at marami akong nakilala rito. Gusto ko sana na sa may Bacoor ako ilibing. Nalimutan ko ang tawag dito ngunit ito iyong may malaking Kristo na nakabukas ang palad. Gaya ng sinabi ko kanina ay hindi ako naniniwala sa mga simbolo ngunit mas may rason ako kung bakit ko gusto rito.
 
 Dito ko sana gusto ganapin ang aking misa. Muli, kagustuhan ko man na sa aming kapilya ako i-misa ay mas nanaisin ko na rito, sa ilalim ng mga ulap at maaliwalas na hangin. Sa ngayon kasi ay pinaniniwalaan ko sa aking sarili na malamang ay marami-rami naman sana ang dumalo sa aking huling araw sa lupa. Kung sa kamag-anak na lang na pupunta ay magsisiksikan talaga tayo kung doon sa kapilya.
 
 Gusto ko syempre na "preacher" ng aming kapilya ang mag-misa sa akin. Nabinyagan man bilang sanggol bilang Katoliko, gusto ko naman basbasan ng aming iglesya, ang Church of Christ, kung saan, ang aking mga lolo at lola ay nabasbasan.
 
 Maglaan di n kayo ng ilang minuto na hayaan ang mga malalapit sa aking na mag-"share" ng inyong tingin sa akin. Mga huling mensahe na hindi ko man naririnig ay para na rin sa inyong aking mga naiwan, baka sakaling mag-iba ang tingin ninyo sa akin. Pumili kayo ng kahit isa man lamang sa mga grup ng dumating. Ngunit kung may nais talaga na magsalita, ay inyo syang pagbigyan.
 Alayan ninyo sana ako ng isang pumpon ng mga puting Lily kung saan ang bilang nito ay sumisimbulo sa mga grupo ng tao na dumating at nagmamahal. Kahit anong bulaklak na puti na lang siguro sa iba dahil alam kong hindi ito mura bilhin.
 
 Maari rin sana ay ihanda nyo ang aking lapida at isama sa aking pagpapakilala na isa akong manunulat noong ako ay nabubuhay pa, at isang mapagtanong na nilalang na inaasam makilala ang lumikha sa kanya. Ilagay nyo rin ang mga katagang ito sa Ingles: "I hope this one works."
 
 Kapag naman ang huling semento na ang nailapat sa aking libingan, o kaya naman ay ang huling lupa sa akin ay nailagay na, magpalipad kayong lahat ng mga puting lobo kung saan ay isulat nyo rito ang inyong mga saloobin at gusto ninyo sa aking iparating. Hindi ko alam kung mababasa ko ito, pero naniniwala ako na pagbibigyan Nya akong makita ang mga ito bilang huli kong pagkapit sa mundong ito. Kasabay nito ay sana, matapos na rin ang pagtulo ng inyong mga luha at maging hudyat ng simula ng mga bagong araw na masaya at masigla.

-Testamento-
 Hindi ko alam kung sa panahong ako ay pumanaw ay mayroon akong naipon para sa inyong lahat. Wala rin akong ideya kung ako ba ay nagkaroon ng asawa at (mga) anak. Kung mayroon man ay sa (mga) anak ko sana ito mapunta, kung wala ay sa aking asawa, at kung wala ay sa aking pamilya.
 
 Ang aking mga gamit ay huwag ninyong sunugin. Piliin ninyo ang mga bagay na mahalaga at natatangi sa akin. Libro, koleksyon, litrato, sulat, mga regalo, at kahit ang mga "scratch paper" ko na puno ng aking mga ideya at imahinasyon. Alagaan naman sana ito ng aking "immediate" na pamilya. Ayokong mapunta ito kung saan-saan. Huwag kayong matakot na itago o kaya naman ay gamitin ng may pag-iingat ang mga bagay na ito.
 
 At kung saka-sakali mang may mga nahanap kayong aking mga sulat ay irespeto ninyo ito na walang gumagalaw at nagbago ng kwento. I-compile at itago. Gusto ko na ang ikatlong henerasyon ko ang magpatuloy nito.

-Huling Mensahe-
(Bibigkasin sa aking libing)
 
 Kamusta?
 Huling araw ko na sa ibabaw ng lupa. Nagulat siguro kayo dahil napaghandaan ko ito. Gusto ko kasing magpaalam sa inyo. Itrato ninyo ang aking mensahe na para bang ikaw lang ang kausap ko.
 
 Gaano katagal na ba tayong magkakilala? Isang linggo? Tatlong buwan? Limang taon? Aba, himala naman siguro iyon. Akalain mo na sa laki ng mundo ay nagkakilala tayo. At sa dami ng tao ay ako pa ang nakilala mo? Bakit nga ba? Nabago ba kita? Alam mo ba na ang pinakapangarap ko ay ang baguhin ang mundo? Ambisyoso ba? Siguro nga. Sinubukan ko naman siguro sa pamamagitan mo. Iyon nga lang, kinapos ako sa panahon para masakatuparan pa iyon. Siguro nga ay kung may pangalawang buhay ay ganoon pa rin ang ambisyon ko. Ang maging solusyon. Aminin na natin na masyado na kasing dumudumi ang mundo ng dahil sa atin. Wala na tayong kontrol.
 
 Ano na ang nalaman mo sa akin? Nasabihan na ba kita ng sikreto? Kung sino ba yung taong gusto ko? O kaya naman yung mga nag-patibok sa maliit kong puso. Corny no? Pero oo. Ako pa. Madali akong magmahal ng taong pakiramdam ko ay kasabay kong pumintig. O sa mga taong naiintindihan ang katulad ko. Hindi ito madalas syempre, pero may mga tao rin na nagpaisip sa kin tuwing gabi. Nag-pa-bloom ika nga sa kin. Iyon nga lang masyado akong naging introvert para magsabi ng nararamdaman o naiisip ko. Marami akong naiisip. Marami rin akong napagdudugtong-dugtong na mga paniniwala. "Conspiracy theorist" ika nga. Tulad ng "Kailan pa nalaman ng isang amoeba na may nakatingin sa kanya sa isang microscope? Hindi ba parang ganoon tayo? Ginawa ata Nya tayo na self-centered kasama ng talino at resources. Ito ang sa tingin ko ang nagpapahirap sa ating makita ng malinaw ang existence nya. At kung mapatingin man tayo sa kabilang dulo ng microscope, alam natin na mas malaki ang nasa kabila."
 
 Ano ang tingin mo sa akin? Masayahin o malungkutin? Maganda ba ako sa iyong paningin? O natatarayan ka? Mukha lang naman siguro. Mabait at approachable ako no. Senstibo rin. Yun nga lang minsan may palya at nagdedenial pa. Andyan yung di ko mapag-iba kung sadyang fond ka lang ba o mahal mo na ako. Ay ewan. Hindi ko na rin naman iyon malalaman. Kung naging crush mo rin pala ako sa parehong panahon na nagkagusto ako sa iyo ay malas na lang natin. Kaw kasi ang bagal mo.
 
 Ano kita? Kaibigan? Pamilya? Kakilala?Para sabihin ko sa yo, mapagtanaw ako ng utang na loob. Simpleng pinahiram mo ako ng ballpen o kaya naman ay hinatian ng papel, pinapahalagahan ko na ang iyong nagawa. Yun nga lang hindi sa lahat ng pagkakataon ay gusto ko ang company mo. Oo, aminado ako na ilan sa inyo ay kinaisan o kinabadtripan ko na. Baka nga minsan naramdaman nyo na rin na medyo hostile ako sa inyo. Sabi ko di ba, sensitibo ako. Konting kanti, sugat na ng buong katawan ko. Pero sinasabi ko sa inyo, kung nagawan ko man kayo ng masama ay malaking porsyento na hindi ako "aware" sa nagawa ko. Ni minsan ay hindi naging masaya ang manakit ng tao. Hayop nga hindi ko masabihan ng mura. Kayo pa kaya.
 
 Huwag mo itong isisi sa Diyos. Nauna ako dahil kuntento na Sya sa natapos ko so far. Hindi ako naniniwala sa "kung panahon mo na panahon mo na" na yan. Ang aksidente, giyera at kung anu-ano pang uri ng pagkamatay na iyan ay kagagawan ng tao. Hindi kasi nya kaya lumikha ng nilalang kaya itinutuon na lang niya sa pagsira ng mga likha Nya. Tandaan nyo na sumasama ang tao hindi dahil sa mga pagsubok at mga masasamang sirkumstansya na iyan kung hindi dahil sa masyado silang umasa na ang magandang buhay ay isinusubo sa kanilang mga bibig. Malaki nga ang mundo. Puno ito ng mga tao na may sari-sariling pag-iisip. Hindi lahat ay kawangis mo.
 
 Hush….Tahan na. Huwag ka nang umiyak. Binigyan ko na kaya kayo ng apat na araw para ako paglamayan. Siopao mo naman kung pati sa mga susunod na araw e mag-iiiyak ka dyan. Alam mo ba na bihira akong umiyak sa mga ganitong funerals?  Di ko alam kung bakit pero isa lang siguro iyon na iba sa akin. Closest na nga dito ang pagluha ng saglit. Kaya ikaw, sana ay ganoon din. At kung dumating ang panahon na ako ay bigla ninyong maalala, o kaya naman ay hinanap, nandito lang naman ako sa tabi tabi. O sya. Aalis na ako. Bukod sana na huwag ninyong makalimutan ang aking alaala ay tandaan ninyo ito: "Mabuhay ka at humakbang. Magdasal at maging solusyon."

Revision: August 31, 2006, 3:02 pm
 
 
++++++++++++++++
 

Comments

Popular posts from this blog

T&J Weds: Getting a License at the Mandaluyong City Hall during the Pandemic (2021)

SNAP: BPI Express Credit Card: Ridiculously fast.

TME: Getting your NBI Clearance Easy